Buwan ng Wika

Isang buwang pagdiriwang na nakatuon sa wikang pambansa ng Pilipinas

Ang Buwan ng Wikang Pambansa,[1][2] na mas kilala bilang Buwan ng Wika, ay isang taunang pagdiriwang sa Pilipinas na ginaganap tuwing buwan ng Agosto upang itaguyod ang pambansang wika, Filipino. Ang Komisyon sa Wikang Filipino ang pangunahing ahensiya sa pag-oorganisa ng mga pangyayari para rito.

Buwan ng Wika
Mga mag-aaral na nakasuot ng tradisyonal na kasuotang Pilipino na gawa sa mga niresiklong materyales bilang bahagi ng Buwan ng Wika
Opisyal na pangalanBuwan ng Wikang Pambansa
Ibang tawagNational Language Month
Ipinagdiriwang ngMga paaralan sa buong Pilipinas
KahalagahanPagtataguyod ng kahalagahan ng Filipino, ang pambansang wika, at iba pang mga katutubong wika ng Pilipinas.
NagsisimulaAgosto 1
NagtataposAgosto 31
DalasTaunan

Pinagmulan

Pambansang wika

Nagsimula ang pagtatangka na magtatag ng pambansang wika sa Pilipinas noong 1935 noong panahong Komonwelt na pinangunahan ni Pangulong Manuel L. Quezon. Noong 1946, pinagtibay ang isang wika batay sa Tagalog bilang ang pambansang wika, na opisyal na itinalaga bilang Pilipino noong 1959. Ipinanganak at lumaki mismo si Quezon sa Baler, Aurora, kung saan nagtatagalog ang mga tao. Noong 1973, pormal na pinalitan ang Pilipino ng "Filipino". Naging mga opisyal na wika ng Pilipinas ang Filipino at Ingles sa ilalim ng Konstitusyon ng 1987.[3]

Linggo ng Wika

Linggo ng Wika ang hinalinhan o nauna sa Buwan ng Wika na itinatag ni Pangulong Sergio Osmeña sa Proklamasyon Blg. 35 in 1946. Mula 1946 hanggang 1953, taunang ipinagdiriwang ang Linggo ng Wika mula Marso 27 hanggang Abril 2. Pinili ang petsa ng kawakasan dahil ito ang kaarawan ng literatong Tagalog na si Francisco Balagtas.[3][4]

Binago ni Pangulong Ramon Magsaysay ang mga petsa na maging Marso 29 hanggang Abril 4 noong 1954. Sa sumunod na taon, muling binago ni Magsaysay ang mga petsa ng pagdiriwang sa Agosto 13 hanggang 19 sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 186. Ginawa ito dahil pumatak ang mga dating petsa sa bakasyon ng mga mag-aaral kaya hindi makakalahok ang mga paaralan. Pinili ang petsa ng katapusan dahil ito ang kaarawan ni Manuel L. Quezon, na nakilala bilang "Ama ng Wikang Pambansa". Noong 1988, inapirma ni Pangulong Corazon Aquino ang mga petsa sa Proklamasyon Blg. 19.[3]

Buwan ng Wika

Noong Enero 15, 1997, pinalawig ang Linggo ng Wika sa Proklamasyong Blg. 1041 ni Pangulong Fidel V. Ramos upang masakop ang buong Agosto. Kaayon nito, pinalitan ang pangalan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.[3][5]

Mula 2019, naging bahagi ng pagdiriwang ang pagtaguyod ng mga ibang katutubong wika ng Pilipinas kaayon ng pagtatalaga ng UNESCO sa taon bilang "Pandaigdigang Taon ng Mga Katutubong Wika".[6][7][8]

Mga ganap at aktibidad

Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay ang pangunahing may hawak sa Buwan ng Wika. Nag-oorganisa ang ahensiya ng mga pangyayari na nagtataguyod ng lokal na wika at nasyonalismong Pilipino.[3] Nagdaraos ang mga paaralan ng mga kostiyuman sa kasukdulang araw sa buwan, kung saan nagsusuot ang mga mag-aaral ng tradisyonal na kasuotang Pilipino, at mga pangyayari tulad ng kantahan ng Orihinal na Pilipinong Musika at mga paligsahan sa sayawing Pilipino.[9]

Mga sanggunian