Nasi goreng

"sinangag" sa mga wikang Indones at Malay

Ang nasi goreng ay sinangag mula sa Timog-silangang Asya na karaniwang niluluto kasama ng mga pira-piraso ng karne at gulay. Isa sa mga pambansang pagkain ng Indonesya,[1][2] kinakain din ito ng mga komunidad ng nagsasalita ng Malay sa mga bansa kagaya ng Malaysia, Singapura at Brunei, at sumikat din sa Sri Lanka dahil sa mga migrasyon mula sa kapuluang Malay,[3] sa mga bansa kagaya ng Suriname dahil sa mga komunidad ng imigranteng Indones,[4] at sa Olanda dahil sa ugnayang kolonyal nito sa Indonesya.[5] Naiiba ang nasi goreng sa mga ibang sinangag sa Asya dahil sa kakaibang mausok na aroma nito, at lasang karamelisado at maalinamnam din. Walang iisang resipi para sa nasi goreng, at naiiba ang komposisyon at paghahanda nito sa bawat sambahayan.

Nasi goreng
Nasi goreng na may manok, itlog, at kropek
KursoPangunahing pagkain
LugarIndonesya
Kaugnay na lutuinIndonesya,[1] Malaysia, Brunei, Singapura, at Olanda
Pangunahing SangkapSinangag na may pira-piraso ng karne at/o gulay, at samu't saring mga pampalasa kagaya ng matamis na toyo

Matagal nang nakonsiderang mahalagang bahagi ng lutuing Indones ang nasi goreng.[6] Noong 2018, kinilala ito ng pamahalaang Indones bilang isa sa limang pambansang pagkain ng bayan.[1] Kinakain kung saan-saan sa Indonesya, lalo na sa almusal, matatamasan ito sa iba't ibang paraan: mga simpleng bersiyon nito na nasa plato sa karinderya, mga kinakain sa porselana sa mga restawran, o mga kinukuha mula sa mga handaan sa mga parti sa gabi sa mga urbanisadong lungsod kagaya ng Jakarta.[7] Mabibili ang panimpla para sa nasi goreng kahit saan, at masusumpungan sa mga konbi sa buong Indonesya ang nasi goreng na elado at pinapainit sa mikrolon.

Etimoholohiya

"Sinangag" ang kahulugan ng nasi goreng sa wikang Indones at wikang Malay.[8][9] Inilalarawan ng Cambridge English Dictionary ang nasi goreng bilang "Indones na kanin na dinagdagan ng mga pira-piraso ng kanin at gulay",[10] ngunit halos kasingkaraniwan lang ang pagkaing ito sa Malaysia at Singapura, mga karatig na bansa, bilang isteypol sa kultura.[11][12]

Kasaysayan

Isang babaeng nagluluto ng nasi goreng sa Indonesya.

Kagaya ng mga ibang resipi ng sinangag sa Asya, iminugkahi ng ilang komentarista na matutunton ang pinagmulan ng nasi goreng ng mga Indones sa sinangag ng Timugang Tsina, at ipinapalagay na binuo ito para hindi masayang ang kanin.[13][14][15] Makikita ang impluwensiya ng Tsina sa lutuing Indones sa mie goreng na lumitaw kasabay ng pagpapakilala ng pagsangag na nangailangan ng paggamit ng Tsinong wok.[16] Sa Tsina, sumikat nang sumikat ang pagsangag sa dinastiyang Ming (1368–1644 PK).[17] Nagmula ang karaniwang toyo sa Tsina noong ika-2 siglo PK, ngunit, nilinang ang kecap manis (toyong matamis) sa Indonesya na nilagyan ng maraming lokal na asukal sa palma.[18]

Gayunpaman, hindi malinaw kung kailan nagsimula ang mga tao ng kasalukuyang-panahong Indonesya na magsangag ng kanin. Yumabong ang kalakalan ng Tsina at kapuluang Indones mula panahon ng Srivijaya noong mga ika-10 siglo at tumindi ito sa panahong Majapahit noong ika-15 siglo. Noong panahong iyon, nagsimulang manirahan ang mga imigranteng Tsino sa kapuluan, at dinala nila ang kanilang kultura at lutuin. Karaniwang gusto ng mga Tsino ang mga mainit at bagong-luto, at sa kanilang kultura, bawal itapon ang mga tira-tirang pagkain.[13] Dahil dito, kadalasang niluto muli ang mga bahaw sa umaga. Iminungkahi ni Gregory Rodgers na ang pagsangag sa kanin ay makahahadlang sa pagkalat ng mga delikadong mikrobyo, lalo na noong wala pang repriherador sa Indonesya, at upang maiwasan din ang pagtapon ng pagkain.[19]

Inaangkin ni Fadly Rahman, isang manunulat mula sa Unibersidad ng Padjajaran na walang makasaysayang ebidensya na nagpapatunay na katutubo sa Indonesya ang nasi goreng, at iminungkahi ng isa pang teorya bukod sa impluwensiyang Tsino: ang nasi goreng ay hango sa Gitnang Silanganing putahe na tinatawag na pilaf, kanin na niluto sa tinimplahang sabaw.[20] Gumagamit ang isang baryante, ang nasi goreng kambing (sinangag ng kambing) ng mga karne ng tupa o kambing (pinapaboran ng mga Arabeng Indones), espesyang malasa at minyak samin (ghee), na pawang mga tipikal na sangkap na ginagamit sa paghahanda ng pilaf sa Gitnang Silangan.[21]

Ika-19 siglong resipi para sa nasi goreng, mula sa isang Album amicorum ng Koninklijke Bibliotheek (Maharlikang Aklatan ng Olanda)

Itinuturing ang nasi goreng bilang bahagi ng kulturang Indiyo noong panahong kolonyal. Lumilitaw ang pagbanggit ng nasi goreng sa panitikang kolonyal ng Silangang Indiyas ng Olanda, katulad sa Student Hidjo ni Marco Kartodikoromo, isang kuwentong de-serye na inilathala sa diyaryong Sinar Hindia noong 1918.[13] Binaggit ito sa isang 1925 aklat-panlutong Olandes, Groot Nieuw Volledig Oost Indisch Kookboek.[22] Sumikat ang nasi goreng sa buong mundo dahil sa kalakalan ng Olanda at Silangang Indiyas ng Olanda noong panahong iyon.[23]

Noong naging malaya ang Indonesya, sikat na kinonsidera ang nasi goreng bilang pambansang putahe, ngunit hindi ito opisyal.[13][24] Nakatulong ang kasimplihan at bersatilidad nito sa pagsikat nito at naging isteypol ito sa mga sambahayang Indones—kolokyal na itinuring bilang "pinakademokratikong" pagkain dahil wala itong eksakto at mahigpit na resipi, at magagawa ng mga tao ang anumang gusto nilang gawin dito.[25] Kinonsidera ang nasi goreng na karaniwang kinakain sa mga sambahayang Indones bilang pagkaing huwaran na kumakatawan sa pamilyang Indones. Ito ay naging bahagi ng menu, ipinakilala, inalok at inihain sa loob ng Indonesian Theater Restaurant sa pabilyong Indones noong New York World's Fair (Tanghalan ng Mundo sa New York) ng 1964. Sinabi ni Howard Palfrey Jones, ang Amerikanong embahador sa Indonesya noong mga huling taon ng pamamahala ni Sukarno sa gitna ng 1960s, sa kanyang talambuhay "Indonesia: The Possible Dream" (Indonesya: Ang Posibleng Pangarap), na gusto niya ang nasi goreng. Inilarawan niya ang kanyang kagustuhan sa nasi goreng na iniluto ni Hartini, isa sa mga asawa ni Sukarno, at pinuri ito bilang isa sa mga pinakamasarap na nasi goreng na natikman niya.[13]

Noong 2018, opisyal na kinilala ang nasi goreng ng pamahlaang Indones bilang isa sa mga pambansang putahe kasama ang apat pa: soto, sate, rendang, at gado-gado.[1]

Galerya

Mga sanggunian