Kawalan ng ginagawa

(Idinirekta mula sa Pagtanga)

Sa panlahatang diwa, ang kawalan ng gawain o hindi paggawa ay isang katayuan na may kaugnayan sa hindi pagkakaroon ng galaw, lakas, o enerhiya ng isang tao, nilalang, o iba pang bagay. Isang halimbawa nito ang pagpapalipas ng oras o panahon ng isang taong walang nagagawang mainam o kapakipakinabang para sa sarili at para sa ibang tao sa buong maghapon at sa araw-araw. Bagaman kaugnay ito ng katamaran, mas mailalarawan ang ganitong kalagayan sa pagiging hindi ginagamit, pagiging walang silbi, o pagtunganga. Maaaring sinasadya ito ng isang taong batugan o tamad, subalit maaari rin naman itong maging dulot ng pagkawala ng hanapbuhay o trabaho ng isang taong likas namang masipag, kaya’t hindi matatawag ang taong iyon bilang pabaya, tanga, tamad, o pagayon-gayon lamang sa bawat araw.[1][2][3]

Ang Tagapaglingkod na Walang Ginagawa, iginuhit ni Maes (1634-1693), Nicolaes, Olanda.

Pananaw sa Kristiyanismo

Sa Bagong Tipan ng Bibliya (2 Tesalonika 3:6), nagbigay ng babala sa San Pablo hinggil sa mga taong gumagamit ng paksang ukol sa dagliang pagbabalik ni Hesukristo bilang isang dahilan sa pagkakaroon ng katamaran. May isang pangkat ng mga taga-Tesalonikang hindi na nakilahok pa sa pang-araw-araw na pamumuhay, na nagturo at nanghikayat sa iba pang mga tao na iwanan na ang kanilang mga tungkulin o gampanin sa buhay, lisanin ang kanilang mga trabaho, at huwag nang magplano pa para sa hinaharap. Ayon sa 500 Questions from the Bible o "Limangdaang mga Katanungan mula sa Bibliya", ang ganitong ideya ay isang mapanirang panlilinlang, sapagkat hindi inutos ni Hesukristong huminto ang mga nanalig sa kanya at maghintay na lamang sa kanyang muling pagbabalik. Bagkus, ang makilahok sa buhay habang naghihintay at umaasa ang ipinangaral ni Hesukristo. Isang kabiguan sa pagtugon sa mga pangako ng Diyos na may katuwaan ang pagtunganga, at nakapipigil din sa paggawa ng tao ng "gawain ng Diyos" at pagluwalhati sa kanya.[4]

Tingnan din

Sanggunian