Halo-halo

Pilipinong panghimagas

Ang halo-halo o haluhalo ay isang tanyag na malamig na panghimagas sa Pilipinas, na binubuo ng ginadgad na yelo, ebaporada o gata, at samu't saring sahog, kabilang dito ang mga pamutat kagaya ng ube halaya, minatamis na abitsuwelas o garbansos, kinayod na buko o makapuno, sago, gulaman, pinipig, pinakuluang gabi o kamote na nakakubo, flan, mga hiwa-hiwa o pira-piraso ng preserbadong prutas at halamang-ugat. Nilalagyan itong panghimagas ng isang sandok ng sorbetes na ube. Karaniwan itong inihahanda sa mataas na baso at inihahain nang may kutsara.[1] Kinokonsidera ang halo-halo bilang di-opisyal na pambansang panghimagas ng Pilipinas.

Halo-Halo
Isang mangkok ng halo-halo na may kasamang gatas at pulot-pukyutan
KursoPanghimagas
LugarPilipinas
Pangunahing SangkapGinadgad na yelo, gatas, samu't saring prutas
Buko halo, isang kombinasyon ng halo-halo at ensaladang buko, karaniwang inihahain sa bao
Para sa ibang gamit, tingnan ang Halo-halo (paglilinaw).

Kasaysayan

Matutunton ang halo-halo sa mga Hapones na Pilipino bago ang giyera at kakigōri, isang klase ng panghimagas Hapones. Isa sa mga pinakaunang bersiyon ng halo-halo ang monggo kon-yelo (mula sa Kastilang Pilipinong panghimagas na mais kon-yelo) o mongo-ya, na binuo lamang ng monggo, ginamit bilang kapalit ng azuki o pulang munggo ng Hapon), na minatamis, inihain sa ginadgad na yelo na may gatas at asukal. Sa paglipas ng panahon, dinagdagan ito ng mga katutubong sahog, at unti-unting nabuo ang modernong halo-halo. Isang pagkakaiba ng halo-halo at ang ninunong Hapones nito ang paglalagay ng mga sahog sa ilalim ng yelo sa halip na sa ibabaw. Umiiral pa rin ngayon ang orihinal na monggo kon-yelo, at mayroon na ring mga baryasyon na gumagamit ng mais (mais kon-yelo) o saba (saba kon-yelo).[2][3][4][5]

Ipinapalagay ng iilang awtor ang halo-halo sa mga migranteng Hapones noong d. 1920 o d. 1930 sa Pamilihang Bayan ng Quinta ng Quiapo, Maynila, dahil sa lapit nito sa Insular Ice Plant, ang pangunahing pinagkukunan ng yelo sa Quiapo.[6] Itinayo ang planta noong 1902 ng mga Amerikano, na naging tagasuplay ng yelo sa Pilipinas. Kahit itinayo ang planta ng yelo, hindi ito ang unang hatid ng yelo sa Pilipinas. Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, nag-angkat ang Estados Unidos mula sa Lawa ng Wenham sa mga ibang bansa, kabilang dito ang Indiya, Australya, at Pilipinas.[2][5]

Itinuturing mali ang baybay na "halo-halo" ng Komisyon sa Wikang Filipino, na nagrerekomenda ng "haluhalo". Isang pang-uri ang salita sa Tagalog, isang reduplikasyon ng pandiwang "halo".[7]

Paglalarawan

Knickerbocker, isang halo-halong Zamboangueño na may prutas, gatas, at sorbetes na presa

Walang natatanging resipi para sa halo-halo dahil samu't sari ang kaurian ng mga ginagamit na sahog. Subalit kabilang sa mga pangunahing mga sahog ang kaong, makapuno, minatamis na saging, langka, gulaman, sago, nata de coco, kamote, minatamis na garbansos at abitsuwelas, keso, pinipig, at sorbetes. May pagkakasunud-sunod sa paglalagay ng mga sangkap; unang inilalagay sa loob ng mataas na baso ang mga prutas, priholes at iba pang minatamis, na sinusundan ng ginadgad na yelo. Pagkatapos, binubudburan naman ito ng kombinasyon ng leche flan at ube halaya, o sorbetes. Binubuhasan ito ng ebaporada o gata bago ihain.[1][5] May iba't ibang lokal at rehiyonal na uri ng halo-halo sa bansa, na posibleng nagsasangkap ng iba pang sahog kaysa sa mga unang nailista, kabilang dito ang minatamis na kundol, durian, sorbetes na presa, at iba pa.[8]

Ang isang kahawig na panghimagas, binignit, karaniwang tinatawag na bilo-bilo, ay tinutukoy rin bilang "ginataang halo-halo" sa Tagalog ("halo-halo sa gata"), karaniwang pinaiikli sa "ginataan". Halos pareho ang mga sangkap, ngunit inihahain nang mainit ang binignit.[9][10]

Sa kulturang popular

Pigura ng halo-halo na kasinglaki ng-tao sa labas ng isang Chowking

Itinampok ang halo-halo sa panahon 1, episodyo 2 ng Anthony Bourdain: Parts Unknown kung kailan bumisita itong host na si Anthony Bourdain sa isang Jollibee, isang Pilipinong restawran ng pangmadaliang pagkain, sa Los Angeles. Pinuri ni Bourdain ang panghimagas at tinawag niyang "kakatwang maganda". Nag-post din siya ng larawan ng panghimagas sa kanyang akawnt sa Twitter.[11][12] Ipinakita muli ng palabas ang panghimagas noong panahon 7, episodyo 1 kung kailan natutunan ni Bourdain kung paano ginagawa ng mga Pilipino ang panghimagas.

Naitampok din ang halo-halo bilang putahe sa Quickfire Challenge sa panahon 4, episodyo 7 ng Top Chef, isang Amerikanong serye na reality television. Inihanda ito ni Dale Talde, isang Amerikanong kalahok, na nagtampok ng abukado, mangga, kiwi, at nuwes. Tinanghal si Talde na isa sa may nangungunang tatlong putahe sa Quickfire Challenge ni Johnny Iuzzinni ng Jean Georges, isang bisitang hukom. Ginawa rin ni Talde ang putahe sa kalaunang episodyo.[13]

Mahahanap ang halo-halo sa maraming lugar, sa mga kiyosko man o sa mga otel na 5-bituin.[14] Nagbebenta ng halo-halo ang mga Pilipinong restawran na pangmadaliang pagkain, kagaya ng Jollibee, Max's, at Chowking.

Mga sanggunian

Karagdagang pagbabasa

Mga link sa labas