Indibidwalismo

Ang Indibidwalismo ay ang paninindigang moral, pilosopiyang pampolitika, ideyolohiya, o pananaw na panlipunan na nagbibigay-diin sa "ang kahalagahang moral ng indibidwal".[1] Isinusulong ng mga indibidwalista ang pagsasakatuparan ng mga layunin o mga nais ng isang tao, kaya't ang pinahahalagahan ay ang kalayaan at pansariling kapakanan[2] habang tinututulan ang karamihan sa panlabas na mga panghihimasok sa pansariling mga kainaman, maging ng lipunan, mag-anak o anumang iba pang pangkat o institusyon.[2]

Ginagawa ng indibidwalismo na maging tuon ng pansin nito ang indibidwal[1] kung kaya't nagsisimula "na may pundamental na premisa o pahayag na ang indibidwal na tao ay may pangunahing kahalagahan sa pagpupunyagi para sa kalayaan." Ang Liberalismong klasikal (kasama ang libertaryanismo), eksistensiyalismo at anarkismo (natatangi na ang anarkismong indibidwalismo) at obhetismo ay mga halimbawa ng mga kilusang ginagamit ang indibidwal na tao bilang isang panggitnang yunit ng pagsusuri.[3]

Ginamit din ito bilang isang termino o katagang nagpapahiwatig ng "kalidad ng pagiging isang indibidwal; indibidwalidad"[2] kaugnay na pag-ari ng "Isang katangiang pang-indibidwal; isang sumpong o idiosinkrasya."[2] Kaya't ang indibidwalismo ay may kaugnayan din sa mga kagustuhan at estilo ng pamumuhay na artistiko at Bohemiano kung saan mayroong tendensiya o pagpaling papunta sa paglikha ng sarili at eksperimentasyon na kabaligtaran ng tradisyon o mga opinyon at ugaling popular ng masa o nakararami,[2][4] at gayundin ng mga posisyon at etikang humanista.[5][6]

Mga sanggunian