Calliope

(Idinirekta mula sa Caliope)

Sa mitolohiyang Griyego, si Caliope o Calliope (play /kəˈl.əp/ kə-LY-ə-pee; Sinaunang Griyego: Καλλιόπη Kalliopē "may magandang tinig") ay ang musa ng panulaang epiko,[1] anak na babae nina Zeus at Mnemosyne, at pinaniniwalaan na musa ni Homer, ang inspirasyon para sa Odyssey at sa Iliad.[2]

Mayroong isang pagsasalaysay na nagsasabing si Calliope ay ang mangingibig ng diyos ng digmaan na si Ares, at nagkaroon sila ng ilang mga anak na lalaki: sina Mygdon, Edonus, Biston, at Odomantus (o Odomas), na isa-isang naging mga tagapagtatag ng mga tribong Thraciano na nakikilala bilang Mygdones, Edones, Bistones, at Odomantes[kailangan ng sanggunian].

Nagkaroon din si Calliope ng dalawang bantog na mga anak na lalaki, si Orpheus[3] at si Linus,[4] na anak niya mula kay Apollo o mula sa haring si Oeagrus ng Thrace. Tinuruan ni Calliope si Orpheus ng mga bersong pang-awitin.[3] Ayon kay Hesiod, siya rin ang pinakamarunong sa mga Musa, at siya ring pinakamapilit. Pinakasalan ni Calliope si Oeagrus sa isang lugar na malapit sa Pimpleia,[5] Olympus.

Karaniwang inilalarawan si Calliope bilang may hawak na tabletang sulatan. Sa kung minsan, inilalarawan siya na may hawak na isang rolyo ng papel o isang aklat o may suot na koronang ginto.

Mga sanggunian

Mga kawing na panlabas