Lutuing Italyano

mga pagkaing patok sa panlasa ng Italyano

Ang lutuing Italyano (Italyano: cucina italiana, pagbigkas [kuˈtʃiːna itaˈljaːna]) ay isang lutuing Mediteraneo[1] na binubuo ng mga sangkap, resipi at paraan sa pagluluto na nilinang sa Tangway ng Italya at nang maglaon ay kumalat sa buong mundo sa pagdagsa ng diasporang Italyano.[2][3][4] Inangkat ang ilan sa mga pagkain na ito mula sa mga ibang kultura. Malaki ang nagbago dahil sa kolonisasyon ng Kaamerikahan at pagpapakilala ng patatas, kamatis, sili, mais at sugar beet — ipinakilala nang maramihan ang huling binanggit noong ika-18 siglo.[5][6] Isa ito sa mga pinakakilala at pinakapinahahalagahan na gastronomiya sa buong mundo.[7]

Paikot sa kanan mula sa kaliwang itaas; ilan sa mga pinakasikat na pagkaing Italyano: pizza (Margherita), pasta (carbonara), espresso, at gelato

Kabilang sa lutuing Italyano ang mga mga tradisyong malalim ang pagkakaugat na karaniwan sa buong bansa, pati na rin ang mga gastronomiyang panrehiyon, na magkaiba sa isa't isa, lalo na sa hilaga, gitna at timog ng Italya, na may patuloy-tuloy na pagpapalitan.[8][9][10] Kumalat ang maraming pagkain na dating panrehiyon lamang, at nagkaroon ang mga ito ng mga baryasyon sa buong bansa.[11][12] May kasaganaan ng lasa sa lutuing Italyano, at isa ito sa mga pinakasikat at pinakakinokopya sa buong mundo.[13] Naging impluwensiya ang lutuin sa mga iba pang lutuin sa mundo, lalo na sa lutuin ng Estados Unidos.[14]

Isa sa mga pangunahing katangian ng lutuing Italyano ang pagiging simple nito. Gawa sa kaunting sangkap lamang ang karamihan ng mga putahe, kaya madalas na umaasa ang mga Italyanong kusinero sa kalidad ng mga sangkap, sa halip na sa kasalimuotan ng paghahanda.[15][16] Lutuing Italyano ang pinagmulan ng entrega ng higit sa 200 bilyon sa buong mundo.[17] Sa paglipas ng mga siglo, malimit na inilikha ang mga pinakasikat na pagkain at resipi ng mga ordinaryong tao higit sa mga kusinero, kaya maraming mga resiping Italyano na bagay para sa pambahay at pang-araw-araw na pagluluto. Nirerespto rin ang mga partikularidad ng mga rehiyon, sa tanging paggamit ng mga likas na materyales at sangkap mula sa pinagmulang rehiyon ng putahe at pagpepreserba ng kapanahunan nito.[18][19][20]

Naging batayan ng lutuing Italyano ang diyetang Mediteraneo, na mayaman sa pasta, isda, prutas at gulay.[21] Mga sentro sa lutuing Italyano ang keso, salumi at alak, at kasama ng pizza at kape (lalo ng ang espresso) ang nagbubuo ng bahagi ng Italyanong kultura sa gastronomiya.[22] May isang mahabang tradisyon ang mga panghimagas sa paghahalo ng mga lokal na lasa katulad ng bungang sitrus, pistatso at almendras sa mga matatamis na keso katulad ng mascarpone at ricotta o mga kakaibang lasa katulad ng kakaw, baynilya, at kanela. Kabilang sa mga pinakasikat na Italyanong panghimagas, keyk at pastelerya ang gelato,[23] tiramisù[24] at cassata. Lubusang dumidepende ang lutuing Italyano sa mga produktong tradisyonal; marami ang tradisyonal na espesyalidad ng bansa na pinoprotektahan ng batas ng EU.[25] Ang Italya ay ang pinakamalaking prodyuser ng alak, pati na rin ang bansa na may pinakasari-saring baryante ng katutubong punong ubas sa buong mundo.[26][27]

Mga sanggunian

Mga panlabas na kawing