Panganganak

pagtatapos ng pagdadalangtao

Ang panganganák, kilala rin sa tawag na pagluluwál, pagsisílang, at pagle-labor (Ingles: labour), ay ang pagtatapos at kulminasyon ng pagdadalangtao ng isang ina,[7] kung saan lumalabas ang isa o higit pang sanggol mula sa sinapupunan sa pamamagitan ng pagdaan sa kanyang ari, o ng isang operasyon (sesaryan).[8][5] Tinatayang 140 milyon ang ipinapanganak taon-taon.[9] Sa Pilipinas, 1,673,923 ang nairehistrong kapanganakan noong 2019.[10] 15 milyon ang ipinapanganak nang maaga (kulang sa 37 linggo),[11] habang nasa tatlo hanggang labindalawang porsyento (42,000 hanggang 168,000) naman ang ipinanganak nang lagpas sa 42 linggo.[12] Madalas isinasagawa ang panganganak ngayon sa mga ospital, bagamat marami rin ang ipinapanganak sa bahay, kadalasan sa tulong ng isang kumadrona.[8] Kaarawan ang tawag sa araw ng kapanganakan ng isang tao.

Panganganak
Ibang katawaganPagsisilang, pagluluwal, pagle-labor
Sanggol na bagong panganak at nababalot ng vernix na yakap ang kanyang ina.
Bagong panganak na sanggol na nababalot ng vernix at yakap-yakap ang kanyang ina.
EspesyalidadObstetrisiya, pangungumadrona
Komplikasyonlabor dystocia, pagdurugong postpartum, eclampsia, impeksiyong postpartum, birth asphyxia, neonatal hypothermia[1][2][3]
UriPanganganak sa ari, sesaryan[4][5]
SanhiPagdadalangtao
Pag-iwasBirth control, aborsyon
Dalas135 milyon (2015)[6]
Napatay500,000 inang namatay kada taon[3]

Ang pinakakaraniwang paraan ng panganganak ay sa pamamagitan ng ari.[4] May tatlo itong yugto: ang pagnipis at pagbuka ng sipit-sipitan sa unang yugto, ang pagbaba at pagsilang sa sanggol sa pangalawa, at ang paglabas ng inunan sa pangatlo.[13][14] Nagsisimula ang unang yugto sa paghilab ng tiyan at pananakit ng likod na tumatagal ng mga kalahating minuto at nagaganap kada 10 hanggang 30 minuto.[15][13] Patindi nang patindi ang sakit nito, habang padalas ito nang padalas.[14] Samantala, matatapos naman ang pangalawang yugto kung nailabas na nang buo ang sanggol. Sa pangatlong yugto, ang paglabas ng inunan, madalas rinerekomenda na wag munang paghugpungin ang talimpusod (Ingles: umbilical cord).[16] Rinerekomenda din ng mga pangunahing organisasyong pangkalusugan na pagkatapos na pagkatapos ng panganganak sa ari, o matapos na maging alerto at gising ang ina pagkatapos ng sesaryan, dapat mailagay ang sanggol sa dibdib ng kanyang ina, at iantala muna ang mga gawain nang isa o dalawang oras, o matapos matanggap ng sanggol ang kanyang unang pagdede.[17][18][19]

Madalas ipinapanganak ang mga sanggol nang una-ulo.[20] Gayunpaman, tinatayang nasa 4% naman ang ipinapanganak nang una-paa.[21][14] Tipikal na pumapasok ang ulo nang nakaharap sa isang bahagi, at saka iikot patalikod.[22] Tuwing nagle-labor, maaaring kumain at gumalaw-galaw ang inang manganganak kung gustuhin nila.[23] Makakatulong ang samu't saring mga paraan para sa mabawasan ang sakit, tulad ng mga pamamaraang pampakalma, opioid, at anistisyang panggulugod.[14] Bagamat karaniwan ang paggawa ng hiwa sa bukana ng ari (episotomiya), hindi ito kadalasang kinakailangan.[14] Tinatayang 18.5 milyon ang isinasagawang sesaryan kada taon.[24]

Kada taon, tinatayang 500,000 ang namatay na ina dahil sa mga komplikasyon na dulot ng pagdadalangtao at panganganak. Pitong milyong ina naman ang nagkaroon ng mga seryosong pangmatagalang problema, samantalang 50 milyong ina naman ang nagkaroon ng isang negatibong kinalabasan sa kanilang kalusugan pagkatapos nilang manganak.[3] Karamihan sa mga ito ay nangyayari sa mga bansang papaunlad pa lang.[3] Ilan sa mga komplikasyon sa ina ay ang labor dystocia, pagdurugong postpartum, eclampsia, at impeksyong postpartum.[3] Samantala, ang mga komplikasyong maaaring makuha ng sanggol ay ang kawalan ng oksiheno habang ipinapanganak, pisikal na trauma, kakulangan ng linggo sa sinapupunan, at impeksyon.[2][25]

Mga uri

Natural

Ang natural na panganganak ay ang panganganak sa pwerta ng ina nang walang tulong medikal (hal. pampamanhid o pampabilis ng pag-labor).[26] Ito ang pinakakaraniwang uri ng panganganak.[4][27] Madalas itong isinasagawa sa mga ospital sa modernong panahon; gayunpaman, may mga panganganak din na isinasagawa sa bahay, kadalasan sa tulong ng isang kumadrona.[8]

Tinutulungan

Minsan, maaaring gumamit ang mga doktor ng kagamitan upang tulungan ang ina sa panganganak.

  • Maaaring gumamit ang mga doktor ng forceps, isang mala-kutsarang instrumento, upang kutsarahin ang ulo ng sanggol at tulungan itong mailabas sa pwerta.[26][8][27]
  • Maaari ding gumamit ang mga doktor ng vacuum upang mailabas ang sanggol. Sa prosesong ito, naglalagay ang doktor ng isang plastik na cup sa ulo ng sanggol upang dahan-dahang hilahin ito.[26][8][27]
  • Pwede ring magsagawa ang mga doktor ng episotomiya, bagamat hindi na ito iminumungkahing gawin. Dito, gagawa ng hiwa ang doktor sa perineum (tisyu sa pagitan ng pwerta at sa butas ng puwit).[27] Noon, inakala ng mga doktor na pinipigilan nito ang malaking punit sa pwerta ng ina tuwing nanganganganak, ngunit iminumungkahi ng mga bagong pag-aaral na hindi ito totoo.[26][14]
  • Pwede ring isagawa ng mga doktor ang amniotomiya. Sa prosesong ito, gagamit ang doktor ng isang maliit na plastik na kawit para butasin ang panubigan.[26][27]
  • Kung gustuhin man ng ina, maaari ding artipisyal na simulan ng mga doktor ang pagle-labor.[26] Mas masakit ang pagle-labor kumpara sa natural na proseso.[28] Mas mabilis din ito at mas matindi. Kaya naman, rinerekomenda lamang ito para sa ilang mga sitwasyon: halimbawa, kung lagpas na sa linggo, pumutok na ang panubigan kahit hindi pa nagsisimula ang labor, may kondisyon sa kalusugan ang ina, at kung kambal o higit pa ang ipanganganak.[27]

Sesaryan

May mga pagkakataon na imposible o delikado sa ina na manganak nang natural, kaya kinakailangan magsagawa ang mga doktor ng sesaryan. Dito, gumagawa ng pahalang na hiwa ang doktor sa ibabang bahagi ng tiyan ng ina.[8] Ilan sa mga dahilan ang mga sumusunod:[26][27]

  • Una-paa ang posisyon ng sanggol sa sinapupunan.
  • Masyadong malaki ang sanggol upang magkasya sa balakang.
  • Maraming dinadalang sanggol ang ina.
  • Hindi umuusad ang pagle-labor.
  • Sumailalim ang ina sa sesaryan nung nakaraan.

Senyales at sintomas

Isang pibulang tansong luristan na nagpapakita sa isang babaeng nanganganak sa pagitan ng dalawang antilope. Mula sa Panahon ng Bakal sa Iran (1000 – 650 BK). Nasa Museo ng Louvre ito ngayon.

Ang pinakamatibay na senyales ng nagsisimula na ang pagle-labor ay ang paulit-ulit na paghilab ng sinapupunan. Iba-iba ang naiuulat na antas ng sakit na nararamdaman ng mga nagle-labor na ina.[15] Mukhang dumedepende ito sa antas ng takot at pangamba ng ina, mga karanasan sa nakaraang panganganak, mga ideya ng kultura tungkol sa sakit ng panganganak, paggalaw tuwing nagle-labor, at suportang natatanggap tuwing nagle-labor.[29][30] Mas importante sa karanasan ng inang nagle-labor ang mga personal na inaasahan, suportang galing sa mga tagapangalaga, kalidad ng relasyon sa pagitan ng pasyente at ng tagapangalaga, at pakikilahok sa pagdedesisyon, kesa sa ibang mga salik tulad ng edad, katayuan sa buhay, etnisidad, paghahanda, pisikal na kapaligiran, sakit, hindi paggalaw, o interbensiyong medikal.[31]

Normal na panganganak

Mga yugto ng isang normal na panganganak.

May dalawang paa ang tao, na ginagamit niya sa pagtayo. Dahil dito, ang mga organo sa loob ng katawan ay natural na nagbibigay ng bigat sa lapag ng balakang (Ingles: pelvic floor). Komplikadong istraktura ito, at para sa mga babae, kailangan nitong suportahan ang tatlong lagusan bukod sa bigat na binanggit kanina: ang uretra, pwerta, at tumbong. Kinakailangang sumailalim sa isang tiyak na pagkakasunud-sunod ng maniobra ang ulo at balikat ng sanggol para makalabas ito.

Narito ang pitong yugto ng isang tipikal na paglabas na una-ulo (Ingles: cephalic presentation):[22]

  1. Pagkabit (engagement): nakapasok na ang pinakamalawak na bahagi ng ulo ng sanggol sa balakang. Maaaring mangyari ito sa ika-36 linggo ng pagdadalangtao, pero pwede rin itong mangyari sa dulo nito, o kahit maging sa kasagsagan ng pagle-labor.[22]
  2. Pagbaba (descent): patuloy na bumababa ang ulo ng sanggol sa balakang.
  3. Pagbaluktot (flexion): habang bumababa, babaluktot ang ulo ng sanggol para dumikit ang baba nito sa dibdib upang dumali ang pagbaba.
  4. Paloob na ikot (internal rotation): halos siguradong iikot ang ulo para maging nasa baba lang ng buto ng balakang ang likod ng ulo ng sanggol, upang magkasya ito sa hugis ng buto ng balakang. Nakaharap kadalasan ang sanggol sa gulugod ng ina. Minsan, iikot din ito upang humarap sa buto ng balakang. Habang nagaganap ang mga galaw na ito, mananatili sa posisyon ang katawan.
  5. Pagpapahaba (extension): habang lumalapit ang sanggol sa pwerta, kadalasang nakadikit ang ulo nito sa buto ng balakang. Sa puntong ito, kukurba pataas ang pwerta, at dapat pahabain pabalik ang ulo. Iikot ito nang iikot sa paligid ng buto ng balakang.
  6. Palabas na ikot (external rotation): habang lumalabas ang ulo ng sanggol, iikot ito nang bahagya (mga 45°) upang luminya ito sa katawan niya.
  7. Paglabas (expulsion): pagkatapos lumabas nang tuluyan ang ulo, lalabas ang balikat. Kadalasang madali na lang ang paglabas ng natitirang bahagi ng katawan.

Ang relasyon ng nakalabas na bahagi ng sanggol sa siyatikang gulugod (Ingles: ischial spine) ay tinatawag na istasyon (Ingles: station). Kung kapantay ng ulo ng sanggol ang siyatikang gulugod, ang istasyon nito ay 0.[22] Samantala, kung ang ulo ay nasa ibabaw ng siyatikang gulugod, iuulat ang isang negatibong bilang mula -1 hanggang -4[32] o -5,[22] depende sa kung ilang sentimetro ang layo nito mula sa naturang gulugod. Kung lagpas na ang ulo mula rito, iuulat naman ang isang positibong bilang. Ang istasyon na +3 at +4 ay nasa perineum at makikita na.[32]

Maaaring magbago pansamantala ang hugis ng ulo ng sanggol (nagiging mahaba) habang dumadaan ito sa sipit-sipitan. Tinatawag itong paghuhulma (Ingles: molding), at kitang-kita ito sa mga babae sa kanilang unang panganganak.[33]

Ang paghinog ng sipit-sipitan (Ingles: cervical ripening) ay ang mga pagbabagong pisikal at kemikal sa sipit-sipitan upang ihanda ito sa pagbanat na mangyayari sa pagbaba ng sanggol mula sa sinapupunan. Ginagamit ang iskor na Bishop para husgaan ang antas ng paghinog para matantya kung kailan magaganap ang pagle-labor at paglabas ng sanggol o para sa mga babaeng posibleng manganak nang maaga. Bukod rito, ginagamit rin ito upang husgaan kung kailan tutugon ang isang babae sa simula ng pagle-labor para sa isang panganganak na lagpas sa araw o para sa ibang mga dahilang medikal. Maraming paraan upang simulan ang paghinog na magpapahintulot sa paghilab ng sinapupunan na tuluyang ibuka ang sipit-sipitan.[34]

Pagsisimula ng pagle-labor

Mga hormone habang nagle-labor.

Kadalasang nagsisimula ang pagle-labor kapag may regular na paghilab sa sinapupunan kada anim[35] hanggang sampung minuto,[36] at may ebidensya na nagsisimula na'ng bumuka at numipis ang sipit-sipitan sa pagitan ng mga pagsusuri.[35] Tumitindi nang tumitindi ang pagbuka at pagnipis na ito,[36] at may nararanasang di bababa sa tatlong masasakit na paghilab sa loob ng sampung minuto, na tumatagal ng mga 45 segundo.[37] Samantala, maraming mga babae ang nakakaranas ng tinatawag na "nesting instinct." Nag-uulat din sila pagtaas ng enerhiya bago sila mag-labor.[38] May iilan din na nakakaranas ng pagtaas sa inilalabas ng pwerta ilang araw bago magsimula ang pagle-labor. Tinatawag itong "mucus plug," isang makapal na uhog (Ingles: mucus) na humaharang sa bukana ng pwerta. Maaari itong lumabas ilang araw bago o habang nagle-labor.[38]Maaaring makaramdam ang isang ina ng mga paghilab ilang linggo bago siya manganak; ito ay ang paghilab na Braxton Hicks, na karaniwang hindi masakit kumpara sa totoong simula ng pagle-labor.[39][15][40] Ang tunay na simula ng pagle-labor ay may regular na pagitan kumpara sa mga paghilab na Braxton Hicks.[39] Pasakit din ito nang pasakit. Lalabasan ng dugo ang ari ng ina dahil sa unti-unting pagbuka ng sipit-sipitan.[39] [15][40] Sa puntong ito, pinapayuhan na idala na agad ang ina sa ospital.[15] Bukod sa pagdurugo, puputok rin ang panubigan (Ingles: amniotic sac).[39][40][38] Kapag nangyari ito, kinakailangan na talagang idala ang ina sa ospital kahit na wala pa siyang nararamdamang paghilab, upang makaiwas sa komplikasyon na maaaring maidulot nito.[15][38]

Senyales din ang paglabo ng paningin, pagsakit ng ulo, at pagbawas sa galaw o pagsipa ng sanggol sa sinapupunan.[15] Makakahinga rin ang ina nang mas maluwag dahil sa pagbaba ng sanggol at paglaki ng espasyo.[38] Dadalas din ang pag-ihi niya, dahil sa pag-ipit sa pantog.[40][38] Tinatawag itong paggaan (Ingles: lightening), at maaari itong maranasan ng isang buntis ilang linggo o habang nagle-labor.[38]

Mga yugto

May tatlong yugto ang panganganak: pag-labor, pagluwal sa sanggol, at paglabas sa inunan.[41] Madalas din isinasama ang pagrekober ng ina bilang ang ikaapat na yugto nito.[42] Depende sa pagpapakahulugan, hinahati naman ang unang yugto nito sa dalawa: nakatago at aktibo.[43][44]

Tingnan din

Sanggunian

Ang lathalaing ito na tungkol sa Tao at Biyolohiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.