Mga Saksi ni Jehova

Ang mga Saksi ni Jehova o Jehovah's Witnesses ay isang milenyariyanong restorasyonistang denominasyong Kristiyano na may mga paniniwalang hindi Trinitariano.[2] Ang samahang ito ay nag-uulat ng pandaigdigang mga kasapi nang higit sa 8.3 milyon na nasasangkot sa ebanghelismo,[3] mga pagdalo sa kombensiyon nito nang higit sa 12 milyong at taunang mga pagdalo ng pag-alala sa kamatayan ni Hesus nang higit sa 20.08 milyon.[4][5] Sila ay pinangangasiwaan ng nangangasiwang katawan ng mga Saksi ni Jehova na isang pangkat ng mga nakatatanda sa Warwick, New York na gumagawa ng lahat ng mga doktrina at mga patakaran.[6][7][8] Ang kanilang sariling salin ng bibliya ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.[9][10][11][12] Naniniwala sila sa malapit na pagkawasak ng kasalukuyang sistema ng mundo sa Armageddon at ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mundo ang tanging solusyon sa lahat ng mga problemang kinakaharap ng sangkatauhan.[13]

Mga Saksi ni Jehova
Jehovah's Witnesses
International headquarters in Warwick, New York
KlasipikasyonRestorationist
(Christian primitivism)
Organizational structureHierarchical
Lugar na sakopWorldwide
Lugar ng Pagtatag1870s: Bible Student movement
1931: Jehovah's witnesses
Pennsylvania and New York, USA
Nanggaling saBible Student movement
Mga Simbahan119 485
Bilang ng Kasapi8.23 million
Opisyal na Websaytjw.org/en (English Website)

jw.org/tl (Tagalog Website)

Statistics from 2017 Yearbook of Jehovah's Witnesses[1]

Ang Saksi ni Jehova ay lumitaw mula sa Bible Student movement na itinatag ni Charles Taze Russell (1852–1916) noong mga 1870 sa pagkakabuo ng Zion's Watch Tower Tract Society na may malaking mga pagbabago sa doktrina at organisasyon sa ilalim ng pamumuno ni Joseph Franklin Rutherford.[14][15] Ang pangalang Jehovah's Witnesses o Mga Saksi ni Jehova na batay sa kanilang interpretasyon ng Aklat ni Isaias 43:10–12,[16] ay ipinakilala ni Joseph Franklin Rutherford noong 1931 upang itangi ang kanilang mga sarili mula sa ibang mga pangkat ng Bible Student movement at isimbolo ang pagkalas sa legasiya ng mga tradisyon ni Russell.

Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa kanilang pangangaral ng pinto-sa-pinto at pamamahagi ng panitikan tulad ng mga magasing Ang Bantayan at Gumising!. Tumatanggi sila sa pakikilahok sa paglilingkod sa militar at pagsasalin ng dugo. Kanilang itinuturing ang paggamit ng pangalang Jehovah na mahalaga sa kanilang pagsamba. Kanilang itinatakwil ang doktrinang Trinidad, likas na imortalidad ng kaluluwa, walang hanggang kaparusahan sa impiyerno na kanilang itinuturing na hindi salig sa Bibliya. Hindi nila ipinagdiriwang ang Pasko, Pasko ng Pagkabuhay-muli o ibang mga pista na kanilang itinuturing na may pinagmulang pagano at hindi naayon sa Kristiyanismo. Ang mga tagasunod ng Saksi ni Jehova ay tumuturing sa kanilang mga katawan ng paniniwala bilang "ang katotohanan" at tumuturing sa kanilang mga sarili na "nasa katotohanan".[17][18] Kanilang itinuturing ang sekular na lipunan bilang bulok o sira at nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Kanilang nililimitahan ang kanilang pakikisalamuha sa mga hindi-Saksi ni Jehova.[19] Ang mga aksiyon sa pagdidisiplina sa kongregasyon ay kinabibilangan ng disfellowshipping' na kanilang termino para sa pormal na pagtitiwalag at pag-iwas.[20] Ang mga bautisadong kasapi nito na pormal na umalis ay tinuturing nilang hindi na kaugnay at tinatakwil. Ang mga tiniwalag na kasapi ay maaaring muling ibalik sa organisasyon kung tunay na nagsisisi.

Ang posisyon ng Saksi ni Jehova tungkol sa may konsiyensiyang pagtutol sa paglilingkod sa militar at pagtangging sumaludo sa mga pambansang watawat ay sanhi ng kanilang paninindigan na ang Diyos na Jehova lamang ang dapat na sundin bilang Soberanya ng sansinukob at Siya lamang ang makapagbibigay ng tunay na kaligtasan. Dahil dito, sila ay pinag-usig at ang kanilang mga gawain ay ipinagbawal o nililimatahan sa ilang mga bansa.

Maraming paniwala ng mga Saksi ni Jehova ay iba sa ibang Kristiyano. Ang impiyerno—Hades o She'ol—ay lugar para tulugan ng mga patay nang walang budhi. Pagkatapos ng Armagedon at mula ng Milenyo, may resureksiyon ang mga patay na "hindi ininsulto ang Diyos." 144,000 lamang na birheng lalaki ang papuntang Langit. Ang iba ay mamumuhay sa isang pisikal na paraiso dito sa mundo sa loob ng isang milenyo o 1,000 taon na paghahari ni Cristo. Sa katapusan ng milenyong ito, pakakawalan ng Diyos si Satanas mula sa 1,000 taon na pagkakabilanggo upang hayaan siya na subukin ang katapatan ng mga tao sa Diyos, nang sa gayon ay permanente nang mawakasan ang rebelyon sa pamamagitan ng huling pagsubok na ito. Magkakaroon ng dakilang digmaan sa pagitan ng puwersa ni Satanas at ng Diyos-na siyang tinatawag sa Bibliya na "Armagedon". Ibubunyag ng mga bagong iskrol ang hinaharap. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi ipinagdiriwang ang Pasko, Halloween, atbp., ngunit ginugunita lamang ang Kamatayan ni Hesus sa Nisan 14 ng kalendaryong Hebreo. Ayon sa mga Saksi ni Jehova, si Hesus ay hindi siyang Diyos noong nasa lupa pa siya, pero naging tulad-diyos muli noong bumalik na siya sa Langit. Ang Diyos na Jehova ay hindi si Hesus. Inaamin ng mga Saksi ni Jehova na may mga ibang diyos. Si Satanas ay isa ring diyos. Ang konsepto ng Trinidad ay wala raw sa Bibliya. May Duwalidad ng Diyos at ang Salita. Ang Kaharian ng Diyos ay itinatag daw sa Langit noong 1914 bilang pagsisimula ng presensiya ni Cristo. Ayon sa mga Saksi ni Jehova, hindi pinako si Hesus sa isang krus, kundi sa isa lamang estaka (Ingles: stake), tulos, o poste.

Kasaysayan

1870–1916

Charles Taze Russell (1852–1916)

Mga impluwensiyang Adbentista

Noong mga 1869,[21] si Charles Taze Russell ay dumalo sa isang pagpupulong ng isang pangkat na tinatawag na mga "Ikalawang Adbentista" sa Pittsburgh, Pennsylvania at narinig ang mangangaral na Advent Christian[22] na si Jonas Wendell na nagpapaliwanag ng paniniwala nito tungkol sa mga propesiya ng Bibliya.[23][24][25] Si Wendell ay naimpluwensiyahan ng mga katururan ng mangangaral na Baptist na si William Miller at tumakwil sa mga tradisyonal na paniniwalang Kristiyano ng imortal na kaluluwa at sa isang literal na impiyerno [26] at nagbigay ng sariling interpretasyon sa mga Aklat ni Daniel at Aklat ng Pahayag upang hulaan ang muling pagbabalik ni Hesus noong 1873.[27] Nakumbinsi si Russell na ihahayag ng Diyos ang kanyang tungkulin sa mga huling araw ng "panahon ng ebanghelyo at bumuo ng isang independiyenteng pangkat ng pag-aaral ng bibliya sa Pittsburgh. Itinakwil ni Russell ang mga katuruang Adbentista na ang tungkulin ng pagbabalik ni Hesus ay upang wasakin ang mundo.[25] Sa halip ay bumuo si Russell ng isang pananaw na si Kristo ay namatay upang bayaran ang "halagang katubusan" upang magbayad sa mga makasalang tao at naglayong ibalik ang mga tao sa kasakdalang edeniko na may pagkakataon na mabuhay nang walang hanggan.[25] Tulad ni Wendell, kanya ring itinakwil ang konsepto ng parusang apoy ng impiyerno at isang imortal na kaluluwa.[28] Noong mga gitnang 1870, inilimbag ni Russell ang 50,000 kopya ng isang pampletong tinawag na The Object and Manner of Our Lord's Return[29] na nagpapaliwanag ng kanyang mga pananaw at paniniwala na si Hesus ay babalik ng hindi nakikita bago ang digmaan ng Armageddon. Kalaunang kinilala ni Russell ang impluwensiya ng mga ministrong Adbentista na sina George Storrs (na mas maagang humula ng pagbabalik ni Hesus sa taong 1844)[24] at George Stetson sa pagkakabuo ng kanyang mga doktrina.[25] Ayon kay James Penton, si Russell ay malakas ring sumasalamin sa mga katuruan ng pastor na Lutherano sa Philadelphia na si pastor Joseph Seiss.[24]

Noong Enero 1876, binasa ni Russell ang isyu ng Herald of the Morning na isang peryodikal na isinulat ng mangangaral na Adbentista na si Nelson H. Barbour ng Rochester, New York. Ito ay halos tumigil sa paglilimbag dahil sa papaunting mga subskripsiyon nito.[25] Si Barbour tulad ng ibang mga Adbentista ay mas maagang naglapat ng mga hula ng Bibliya tungkol sa mga panahon nina Miller at Wendell upang kwentahin ang pagbabalik ni Hesus sa taong 1874 upang magdala ng siga ng apoy.[30] Nang hindi matupad ang hula, siya at ang kanyang kapwa manunulat na si J.H. Paton ay naniwalang ang kanilang mga pagkukwenta ng panahon ng pagbabalik ni Hesus ay tama ngunit nagkamali sa paraan nito. Kanilang pinagpasyahang ang pagbabalik ni Hesus o parousia ay hindi makikita at si Kristo ay dumating na simula pa noong 1874.[25][31][32] Nagalak si Russell na malamang ang iba ay umabot sa parehong konklusyon tungkol sa parousia. Siya ay nagpasyang ang kanilang paglalapat ng mga hula sa panahon ng pagbabalik ng mga Adbentista (na matagal niyang kinamuhian) ay nararapat nang karagdagang pagsisiyasat. Siya ay nakipagpulong kay Barbour at tumanggap ng detalyado at masalimuot na mga argumento tungkol sa kronolohiyang propetiko[33] at nagpondo sa kanya upang isulat sa isang aklat na nagsama ng kanilang mga pananaw.[25]

Linya ng panahong 1870–1916
1877Inilimbag nina Russell at Barbour ang Three Worlds
1879Sinimulang ilimbag ni Russell ang Watch Tower
1881Ang Watch Tower Bible and Tract Society ay itinatag
1909Unang pagkakabahagi
mga liham ng pagpoprotesta
1914Inilabas ang Photo-Drama of Creation
1916Si Russell ay namatay

Ang aklat na Three Worlds and the Harvest of This World,[34] ay inilimbag noong maagang 1877.[35] Inihahayag nito ang mga ideya na nanatiling mga katuruan ng mga kaugnay ni Russell sa sumunod na 40 taon na ang karamihan ay niyayakap pa rin ng mga Saksi ni Jehova. Tinukoy ng aklat na ito ang isang 2520 taong panahong na tinawag na "Mga Panahon ng Hentil" na magwawakas noong 1914. Ito ay kumalas sa mga katuruang Adbentista sa pamamagitan ng pagsusulong ng konsepto ng restitusyon ni Russell na ang lahat ng sangkatauhan mula kay Adan ay muling bubuhayin at mabibigyan ng pagkakataon para sa isang walang hangganang sakdal na buhay ng tao. Inangkin ni Russell na ito ang unang aklat na nagsama ng mga propesiya sa huling panahon sa konsepto ng restitusyon. Tinalakay nito ang konsepto ng magkahilerang dispensasyon at nagmungkahi na ang "bagong paglikha" ay magsisimula sa 6000 taon pagkatapos ng paglikha kay Adan na isang punto sa panahong kanyang pinaniwalaang umabot noong 1872.[36] Noong 1878, itinuro ni Russell ang pananaw na Adbentista na ang "panahon ng kawakasan" ay nagsimula noong 1799[37], si Kristo ay bumalik sa mundo nang hindi nakita noong 1874[38] at kinoronahang hari sa langit noong 1878. Naniwala rin si Russell na ang taong 1878 ang nagmarka ng muling pagkabuhay ng mga "natutulog na santo"(na lahat ng mga matapat na Kristiyano na namatay hanggang sa panahong iyon) at dadalhin sa langit gayundin ang "pagbagsak ng Babilonya" na kanyang itinurong ang huling paghuhukom ng Diyos sa hindi matapat na sangkaKristiyanuhan.[39][40] Naniwala siyang ang Oktubre 1914 ang wakas ng panahong pag-aani na magtatapos sa pasimula ng Armageddon na mamamalas sa paglitaw ng anarkiyang pandaigdigan at pagbagsak at pagkawasak ng sibilisadong lipunan.[41][42]Sina Russell, Barbour at Paton ay nagsimulang maglakbay na nagdadaos ng mga pagpupulong na pampubliko upang talakyin ang kanilang mga paniniwala. Para kay Russell, ito ay hindi sapat: "Sa pagpansing kung gaano kabilis na nalimutan ng mga tao ang kanilang narinig, agad na naging kapansin-pansin na bagaman ang mga pagpupulong ay magagamit sa pagmumulat ng interes, ang isang buwanang lathalain ay kailangan upang panatilihin ang interes na ito at paunlarin ito."[25] Binigyan niya si Barbour ng mga karagdagang pondo upang buhayin ang The Herald of the Morning. Pinutol ni Russell ang kanyang ugnayan sa magasin noong Hulyo 1879 pagkatapos na tutulan ni Barbour sa publiko ang konsepto ng pagtubos ni Russell.[25][43] Sinimulang ilimbag ni Russell ang kanyang sariling buwanang magazine na Zion's Watch Tower and Herald of Christ's Presence[44][45] na kilala ngayon bilang The Watchtower na ipinadadala sa lahat ng mga nagsubskriba ng Herald. Ito ay sumasalungat sa mga katuruan ni Barbour.[24][30]

Mula 1879, ang mga tagasuporta ng Watch Tower ay nagtipon bilang isang nagsasariling mga kongregasyon upang pag-aralan ang bibliya nang ayon sa paksa. Itinakwil ni Russell ang konsepto ng isang pormal na organisasyon bilang "buong hindi kailangan" para sa kanyang mga tagasunod. Kanyang idineklarang ang kanyang pangkat ay walang record para sa pangalan ng mga kasapi nito, walang mga kredo, at walang pangalang sektaryano.[46] Kanyang isinulat noong Pebrero 1884: "Sa anumang mga pangalang maaari tayong tawagin ng mga tao, hindi mahalaga sa atin...simpleng tinatawag natin ang ating mga sarili bilang mga Kristiyano."[47] Ang 30 kongregasyon ay itinatag at noong 1879 at 1880, dinalaw ni Russell ang bawat isa upang magbigay ng kaayusan na kanyang nirekomenda sa pagsasagawa ng mga pagpupulong.[48] Habang patuloy na nabubuo ang mga kongregasyon noong panahon ng pangangaral ni Russell, ang bawat isa sa kanila ay nanatiling nangangasiwa sa sarili at gumagana sa ilalim ng isang istilong kongregasyonalista ng pangangasiwa ng iglesia.[49][50] Noong 1881, ang Zion's Watch Tower Tract Society ay pinangasiwaan ni William Henry Conley at noong 1884, ay ininkorpora ito ni Charles Taze Russell bilang isang hindi-pangkalakalang negosyo upang ipamahagi ang mga trakto at Bibliya.[51][52][53] Noong mga 1900, si Russell ay nangasiwa ng mga libo-libong bahagi at buong panahong mga colporteur[54] at humihirang ng mga dayuhang misyonero at nagtatag ng mga opisinang sangay. Noong mga 1910, ang organisasyon ni Russell ay nagpanatili ng halos isang daang mga naglalakbay na mangangaral.[55]

Inilipat ni Russell ang punong-himpilan ng Watch Tower Society sa Brooklyn, New York noong 1909 na nagsasama ng mga opisina ng korporasyon at palimbagan kasama ng isang bahay ng sambahan. Ang mga boluntaryo ay namamalagi sa isang kalapit na tirahang tinawag na Bethel. Noong 1910, ipinakilala ni Russell ang pangalang International Bible Students Association bilang paraan ng pagtukoy sa kanyang pandaigdigang samahan ng mga pangkat na nag-aaral ng Bibliya.[56]

Noong mga 1910, ang mga 50,000 sa buong mundo ay nauugnay sa kilusang ito[57] at ang mga kongregasyon ay taunang humalal kay Russell bilang kanilang "pastor".[58] Si Russell ay namatay noong Oktubre 31, 1916 sa edad na 64 habang bumabalik mula sa isang paglalakbay ng pangangaral.[59]

Reorganisasyon (1917–1942)

Joseph F. Rutherford (1869–1942)

Noong Enero  1917, ang legal na kinatawan ng Watch Tower Society na si Joseph Franklin Rutherford ay nahalal bilang sumunod na presidente nito. Ang pagkakahalal ay tinutulan at ang mga kasapi ng Lupon ng mga Direktor ay nag-akusa sa kanya ng pag-asal sa paraang autokratiko at malihim.[60][61] Noong Hunyo  1917, kanyang inilabas ang The Finished Mystery bilang ikapitong bolyum ng seryeng Studies in the Scriptures ni Charles Taze Russell. Ang aklat na inilimbag bilang kasulatan pagkatapos nang kamatayan ni Russell ay isang pagtitipon ng kanyang mga komentaryo sa mga Aklat ni Ezekiel at Aklat ng Pahayag kasama ng mga maraming karagdagan ng mga Bible Student na sina Clayton Woodworth ay George Fisher.[62][63][64][65] Malakas nitong binatikos ang mga klero ng Simbahang Katoliko Romano at Protestante at pakikilahok ng mga Krisityano noong Unang Digmaang Pandaigdig.[66] Dahil dito, ang mga direktor ng Watch Tower Society ay ipinabilanggo para sa sedisyon sa ilalim ng Akto ng Pang-eespiya noong 1918. Ang mga kasapi nito ay dumanas ng karahasan mula sa mga tao. Noong 1920, ang mga kaso laban sa mga direktor ay pinawalang bisa.[67]

Si Rutherford ang naging sentro ng kontrol sa organisasyon ng Watch Tower Society. Noong 1919, humirang siya ng isang direktor sa bawat kongregasyon at pagkatapos ng isang taon, ang lahat ng mga kasapi ay inutusang mag-ulat ng kanilang lingguhang gawaing pangangaral sa kanilang Brooklyn headquarters.[68] Sa isang internasyonal na kombensiyon na idinaos sa Cedar Point, Ohio noong Setyembre  1922, ang isang bagong pagbibigay-diin ay ang pangangaral sa bahay-bahay.[69] Ang mga malalaking pagbabago sa doktrina at pangangasiwa ay palaging ipinapakilala ni Rutherford sa loob ng kanyang 25 taong pamumuno kabilang ang kanyang 1920 pahayag na ang mga patriarkang Hudyo gaya nina Abraham at Isaac ay muling binuhay noong 1927 na nagmamarka ng pasimula ng 1000 taong paghahari ni Hesus.[70][71][72] Sa pagkasiphayo sa mga pagbabagong ito, ang mga sampung libong kasapi nito ay umalis noong unang kalahati ng pamumuno ni Rutherford na humantong sa pagkakabuo ng ilang mga organisasyong Bible Student na hindi kaugnay ng Watch Tower Society[73][74] na ang karamihan ay umiiral pa rin hanggang sa kasalukyan.[75] Noong kalagitnaan ng 1919, ang kasingdami ng isa sa pitong mga Bible Student ng panahon ni Russell ay tumigil ng kanilang pakikipag-ugnayan sa Watch Tower Society at kasingdami ng mga 2/3 ay umalis sa Watch Tower Society sa wakas ng mga 1920 .[76][77][78][79][80]

Noong Hulyo  26, 1931, sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, ipinakilala ni Rutherford ang bagong pangalan na Jehovah's Witnesses batay sa kanilang interpretasyon ng Aklat ni Isaias 43:10: "Kayo ang aking mga saksi, sabi ni Jehovah, at ang aking lingkod na pinili" ayon sa isang resoluson. Ang pangalang Jehovah's Witnesses ay pinili upang itangi ang kanyang pangkat ng Bible Student movement mula sa ibang mga malayang pangkat ng Bible Student movement na nagputol ng kanilang kaugnayan mula sa Watch Tower Society. Ito ay upang katawanin din ang pagtataguyod ng mga sariwang pamamaraan ng pangangaral nito.[81][82][83] Noong 1932, tinanggal ni Rutherford ang sistema ng lokal na hinalal na mga nakatatanda at noong 1938 ay nagpakilala siya ng kanyang tinawag na sistemang organisasyonal na "teokratiko" sa ilalim ng mga paghihirang sa mga kongregasyon sa na ginawa mula sa punong-himpilan sa Brooklyn.[68]

Mula 1932, itinuro Watch Tower Society na ang "munting kawan" ng 144,000 ay hindi lamang ang tanging mga tao na makakaligtas sa Armageddon. Ipinaliwanag ni Rutherford na bukod sa 144,000 pinahiran na muling bubuhayin mula sa kamatayan upang tumira sa langit at upang mamuno sa mundo kasama ni Kristo, ang isang hiwalay na klase ng mga kasapi na "dakilang malaking bilang ng mga tao" ay mabubuhay sa ibinalik na paraiso sa mundo. Mula 1935, ang mga bagong akay nito ay itinuturing na bahagi ng klaseng ito.[84][85] Noong mga gitnang 1930, ang kanilang paniniwala ng panahon ng pagsisimula ng presensiya ni Kristo(parousia), ang kanyang pamumuno bilang hari at pasimula ng mga huling araw ay inilipat sa taong 1914.[86]

Habang ang kanilang mga interpretasyon ng kasulatan ay umuunlad, ang mga publikasyon ng Jehovah's Witnesses ay nag-utos na ang pagsaludo sa mga pambansang watawat ay isang anyo ng idolatriya na humantong sa isang bagong pagsiklab ng mga karahasan ng tao laban sa kanila at pagsalungat ng mga pamahalaan ng United States, Canada, Germany, at iba pa.[87][88]

Ang mga kasapi sa buong mundo ng mga Saksi ni Jehovah ay umabot sa 115,416 sa mga 5,323 kongregasyon sa panahon ng kamatayan ni Rutherford noong Enero 1942.[89][90]

Patuloy na pag-unlad (1942–kasalukuyan)

Nathan H. Knorr (1905-1977)

Si Nathan Knorr ay hinirang na ikatlong president ng Watch Tower Bible and Tract Society noong 1942. Kinomisyon ni Knorr ang isang bagong salin ng bibliya na New World Translation of the Holy Scriptures na ang buong bersiyon ay inilabas noong 1961. Kanyang pinangasiwaan ang malalaking mga asembleang internasyonal, sinimulan ang mga bagong programang pagsasanay para sa mga kasapi at pagpapalawig ng mga gawaing misyonaryo at mga opisinang sangay sa buong mundo.[91] Ang pamumuno ni Knorr ay minarkahan rin ng isang papalaking paggamit ng mga hayagang kautusan na gumagabay sa mga Saksi sa kanilang pamumuhay at pag-aasal at mas malaking paggamit ng mga pamamaraang hudisyal upang ipatupad ang striktong kodigong moral.[92][93]

Mula 1966, Ang mga publikasyon ng Saksi ni Jehova at mga usapan sa kombensiyon ay bumuo ng isang paghihintay sa posibilidad ng pagsisimula ng 1000 taong paghahari ni Kristo na magsisimula noong 1975[94][95] o sa sandaling pagkatapos nito.[96][97][98][99] Ang mga kabataang Saksi ni Jehova ay pinayuhan noong 1969 na umiwas sa mga karerang may mahabang panahon ng pag-aaral.[100] Ang 1974 isyu ng newsletter na Kingdom Ministry ay pumuri sa mga kasaping Saksi na nagbenta ng kanilang mga bahay at ari-arian upang lumahok sa isang buong panahong pangangaral na nagsasaad na:"Tiyak na ito ang mainam na paraan na gugulin ang natitirang maikling panahon bago ang kawakasan ng masasama ng mundo."[101]

Ang bilang ng mga bautismo sa Saksi ni Jehovah ay tumaas mula 59,000 noong 1966 hanggang sa higit than 297,000 noong 1974. Noong 1975, ang bilang ng mga aktibong kasapi nito ay lumagpas sa 2 milyon. Gayunpaman, ang bilang ng mga kasapi ng Saksi ni Jehova ay bumagsak noong mga huli nang 1970 pagktapos na mapatunayang mali ang paghihintay ng pagwawakas noong 1975.[102][103][104][105] Noong 1980, inamin ng Watch Tower Society ang responsibilidad nito sa pagpapaasa sa mga kasapi nito ng nalalapit na pagwawakas noong 1975.[106][107]

Ang mga opisina ng nakakatanda at mga lingkod ng ministeryo ay ibinalik sa mga Kongregasyon ng Saksi noong 1972 na may mga paghirang na ginawa mula sa mga headquarters nito.[108] Noong 1976, ang kapangyarihan ng presidente ng Watch Tower Society ay humina at ang kapangyarihan para sa mga desisyong pangdoktrina at pang-organisasyon ay inilipat sa Lupong Tagapamahala nito.[109] Sa pagsasalamin sa mga pagbabagong ito sa organisyon, ang mga publikasyon ng Saksi ni Jehovah ay nagsimulang gumamit ng may malaking titik na pangalang Jehovah's Witnesses.[110] Simula sa kamatayan ni Knorr noong 1977, ang mga nahalal na presidente ay sina Frederick Franz (1977–1992) at Milton Henschel (1992–2000) na parehong mga kasapi ng Lupong Tagapamahala. Simula 2000, ang presidente ay si Don A. Adams na hindi kasapi ng Lupong Tagapamahala. Noong 1995, iniwan ng mga Saksi ni Jehova ang turo na ang Armageddon ay kailangang maganap sa panahon ng henerasyong nabuhay noong 1914 at noong 2010, binago ang turo tungkol sa "henerasyon".

Mga paniniwala

Pinagmumulan ng mga Doktrina

Ang mga Saksi ni Jehovah ay naniniwalang ang kanilang denominasyon ay pagpapanauli ng mga turo ng unang-siglong mga Kristiyano. Ang kanilang mga turo ay mula sa pagsasaliksik sa Bibliya ng Lupong Tagapamahala, na umaako ng pananagutan sa pagbibigay kahulugan at pagkakapit ng kasulatan. Ang Lupong Tagapamahala ay hindi naglalathala ng anumang iisang malawakang saklaw ng "pagpapahayag ng pananampalataya", ngunit mas pinipiling ihayag ang mga pinaninindigang turo sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga publikasyong inilalathala ng Watch Tower Society. Ang kanilang mga publikasyon ay nagtuturo na ang mga pagbabago sa mga doktrina at pagdadalisay nito ay bunga ng pagsulong sa pagsisiwalat, kung saan ang Diyos ay unti-unting inilalantad ang kanyang kalooban at layunin, at ang gayong pagpapaliwanag o "bagong liwanag" ay dulot ng pagkakapit ng lohika at pag-aaral, ng gabay ng banal na espiritu, at pangangasiwa ni Jesu-Kristo at ng mga anghel. Ang Samahan ay nagtuturo rin na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay tinutulungan ng banal na espiritu upang maunawaan ang "malalalim na katotohanan", na isinasaalang-alang ng buong Lupong Tagapamahala bago gumawa ng mga desisyong may kaugnayan sa mga turo. Ang pamumuno ng Lupon, bagaman ikinakaila ang banal na inspirasyon at walang-kamalian, ay nagsasabing naglalaan ng "banal na patnubay" sa kanilang mga turong inilalarawan bilang "nakabatay sa Salita ng Diyos samakatuwid ... hindi mula sa tao, ngunit kay Jehovah."

Ang buong Protestanteng panuntunan ng kasulatan ay itinuturing na kinasihan, walang kamaliang nasusulat na Salita ng Diyos. Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya bilang kasuwato ng Agham at Kasaysayan at maaasahan at ipinapakahulugan ang kalakhang bahagi nito ng literal, ngunit, tinatanggap ang ibang bahagi nito bilang makasagisag. Itinuturing nila ang Bibliya bilang ang huling awtoridad sa kanilang paniniwala, bagaman ang etnograpikong pag-aaral ng sosyolohistang si Andrew Holden ay pinagtibay na ang mga pahayag ng Lupong Tagapamahala, sa pamamagitan ng publikasyon ng Samahang Watch Tower, ay may katulad na kahalagahan ng sa Bibliya. Ang regular na personal na pagbabasa ng Bibliya ay laging inirerekomenda; Ang mga Saksi ay hindi pinahihintulutang gumawa ng doktrina at "pribadong mga ideya" na nakuha sa pagsasaliksik na hiwalay sa publikasyon ng Samahan ng Watch Tower, at pinag-iingat laban sa pagbabasa ng ibang relihiyosong literatura. Ang mga tagasunod ay pinapayuhang magkaroon ng "lubos na pagtitiwala" sa pamunuan, iwasan ang pag-aalinlangan sa kung ano ang itinuturo ng literatura ng Samahang Watch Tower, at "huwag magtaguyod o ipilit ang personal na palagay o magkimkim ng sariling mga ideya pagdating sa pagkaunawa sa Bibliya." Ang organisasyon ay hindi naglalaan sa mga miyembro nito na punahin o mag-ambag sa mga opisyal na turo at lahat ng mga Saksi ay dapat na sumunod sa mga doktrina nito at mga itinatakda ng organisasyon.

Si Jehova at si Jesus

The TetragrammatonIdiniriin ng mga Saksi ni Jehova ang paggamit ng pangalan ng Diyos, at ginagamit nila ang anyong Jehova, —ang pagsasatinig ng pangalan ng Diyos batay sa Tetragrammaton. Ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala sa isang tunay na Diyos na ang pangalan ay Jehova, ang May-likha ng lahat ng bagay at may Pangkalahatang Soberanya. Naniniwala silang ang Diyos ay hindi bahagi ng Trinidad. Naniniwala din ang mga Saksi ni Jehova na isa lang ang Diyos at ang kataas-taasan sa buong lupa.[111][112][113]

Banal na Espirito

Naniniwala silang ang Banal na Espirito ay kapangyarihan ng Diyos o isang "aktibong puwersa" sa halip na isang persona.[114]

Hesus

Naniniwala silang si Hesus ay isa lamang direktang nilalang ng Diyos at ang lahat ng iba pa ay nilalang sa pamamagitan ni Kristo.[115] Naniniwala silang si Hesus ay tagapagtubos at handog na kabayaran ng mga kasalanan ng sangkatauhan.[116] Naniniwala silang si Hesus ay namatay sa isang nakatayong poste sa halip na sa tradisyonal na pinaniniwalaang krus.[117] Naniniwala rin silang ang mga reperensiya sa Bibliya kay Miguel Arkanghel, Abaddon (Apollyon), at ang Salita ay lahat tumutukoy kay Hesus sa kanyang iba't ibang papel.[118] Si Hesus ay itinuturing nilang ang tagapamagitan (tinutukoy sa 1 Timoteo 2:5) ay kapit sa .[119]

Satanas

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Satanas ay orihinal na isang perpektong anghel na naging palalo at nagnais na sambahin.[120] Ang ibang mga anghel na pumanig kay Satanas ay pinaniniwalaan nilang naging mga demonyo. Naniniwala rin sila na si Satanas at kanyang mga demonyo ay inihagis sa mundo mula sa langit pagkatapos ng Oktubre 1, 1914[121] na panahon na ang huling mga araw ay nagsimula. Naniniwala silang ang mga pamahalaan ng tao ay kinokontrol ni Satanas[122] ngunit hindi direktang kumokontrol sa bawat pinunong tao.[123]

Kamatayan

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang kamatayan ay isang estado ng hindi pag-iral na walang kamalayan. Sila ay naniniwalang walang umiiral na impiyerno na may nagniningas na apoy ng pagpapapahirap. Ang Hades at Sheol ay pinaniniwalaan nilang tumutukoy sa kondisyon ng kamatayan na tinaguriang "karaniwang libingan".[124] Naniniwala silang ang kaluluwa ay isang buhay o buhay na katawan na namamatay.[125] Sila ay naniniwalang ang isang "munting kawan" ay pupunta sa langit ngunit ang pag-asa ng buhay pagkatapos ng kamatayan para sa nakararaming "ibang tupa" ay bubuhaying muli ng Diyos sa isang nalinis na mundo pagkatapos ng Armageddon. Kanilang pinapakahulugan ang Aklat ng Apocalipsis 14:1–5 na ang pupunta sa langit ay limitado sa eksaktong 144,000 tao na mamumuno kasama ni Hesus bilang mga hari at mga saserdote sa buong mundo.[126] Naniniwala silang sa 1000 taon paghahari ni Hesus, ang karamihan ng mga tao na namatay bago ang Armageddon ay bubuhaying muli na may inaasam na magpakailanmang buhay. Ang mga ito ay tuturuan ng tamang paraan na sumamba sa Diyos upang ihanda sila sa huling pagsubok sa wakas ng 1000 taon.[127][128]

Kaharian ng Diyos

Ang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ay nagtuturong ang kaharian ng Diyos ay isang literal na gobyerno sa langit na pinamumunuan ni Hesus at ng mga 144,000 Kristiyanong hinugot mula sa mundo.[129] Ang kaharian ayon sa kanila ay paraan ng Diyos upang isakatuparan ang kanyang orihinal na layunin sa lupa na babaguhin ito sa isang paraisong walang karamdaman o kamatayan.[130][131] Naniniwala silang ang kaharian ng Diyos ay itinatag sa langit noong 1914[132] at ang mga Saksi ni Jehova ang nagsisilbing mga kinatawan ng kaharian sa mundo.[133][134]

Naniniwala silang ang lahat ng ibang mga kasalukuyang relihiyon ay hindi totoo at kanilang tinutukoy ang mga relihiyong ito bilang ang Dakilang Babilonya ng Aklat ng Apocalipsis 17.[135] Naniniwala silang ang mga relihiyong ito ay wawasakin ng United Nations na kanilang pinakahulugang ang halimaw ng Aklat ng Apocalipsis 17. Sila ay naniniwalang ito ay pasimula ng Malaking Kapighatian.[136] Naniniwala silang kalaunang sasalakay si Satanas sa mga Saksi ni Jehova na magtutulak sa Diyos na simulan ang digmaan ng Armageddon kung saan ang lahat ng mga anyo ng pamahalaan at lahat ng mga taong hindi nabibilang sa tupa ni Kristo o mga tunay na alagad ni Kristo ay wawasakin. Pagkatapos ng Armageddon, palalawigin ng Diyos ang kanyang kaharian sa langit tungo sa mundo na babaguhin sa isang paraiso na katulad ng hardin ng Eden.[137] Pagkatapos ng Armageddon, ang karamihan ng mga namatay bago ang pakikialam ng Diyos ay unti unting bubuhaying muli sa araw ng paghuhukom na mangyayari sa loob ng 1000 taon. Ang paghuhukom ay batay sa kanilang mga ginawa pagkatapos ng pagkabuhay-muli sa halip na sa mga nakaraan nilang ginawa. Pagkatapos ng 1000 taon, ang isang huling pagsubok ay mangyayari kapag pinalaya na si Satanas upang dayain ang perpektong sangkatauhan. Ang mga mabibigo ay lilipulin, kasama si Satanas at ang kanyang mga demonyo. Ang wakas na resulta ay isang buong nasubok at naluwalhating sangkatauhan. Pagkatapos ay muling ibibigay ni Kristo ang lahat ng kapangyarihan sa Diyos.[138]

Organisasyonal na Kayarian

Kakaiba ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang kaayusang organisasyonal kumpara sa ibang relihiyon. Hindi sila pinangungunahan ng iisang tao lamang. Wala silang herarkiya. Hindi sila gumagamit ng mga titulo na nagpapakilala sa isa o isang grupo bilang mas nakahihigit sa isa o sa iba. Tinatawag nila ang isat-isa bilang "kapatid" (brother/sister) sa kabuuan. May ilang makakasulatang termino o pagkakakilanlan silang ginagamit ngunit ito'y bilang isang prebilehiyo lamang ng isang grupo o indibiduwal.

Lupong Tagapamahala

Binubuo ng makaranasang mga lalaki na mula sa ibat-ibang lahi at bansa, may bilang na 10 at itinuturing nilang kinatawan ng "tapat at maingat na alipin" bilang mga tagapanguna sa lahat ng kanilang gawaing espirituwal (Mateo 24:45, 46-47). Sa grupong ito nakasentro ang lahat ng kanilang mga gawain mula sa doktrinal na mga turo, organisasyonal hanggang sa ministeryal na aspeto na itinatawid naman sa buong daigdig na kapatirang Kristiyano. Kamakailan lang, inilipat ng grupong ito ang ilang mga pananagutang hindi sumasaklaw sa gawaing "espirituwal". Ang pangangasiwa ng mga gusali, palimbagan, legal at sekular na mga gawain ay ipinaubaya nila sa iba na hindi miyembro ng Lupong Tagapamahala (Governing Body).

Tagapangasiwa ng Sona

Isang makaranasang lalaki na dumadalaw sa bawat sangay ng kaniyang nasasakupang sona bilang kinatawan ng punong tanggapan upang alamin ang mga problema (mula sa legal at iba pang aspeto), kalagayan ng gawaing ministeryo at iba pa.

Komite ng Sangay

Binubuo ng mga makaranasang lalaki (karaniwang nang may bilang na tatlo hanggang lima, depende sa laki ng sangay) na nangangasiwa sa gawain ng isang sangay (o bansa, ngunit may ilang sangay na kinabibilangan ng mahigit sa isang bansa depende sa lawak at laki).

Tagapangasiwa ng Distrito

Isang makaranasang lalaki na dumadalaw sa bawat sirkito upang pangasiwaan, pangunahan ang gawain at ito'y iniuulat niya sa Sangay. Nangangasiwa siya sa mga asamblea at kombensiyon na ginaganap taon-taon sa kaniyang nasasakupan. May 12 distrito sa Pilipinas. Dumadalaw din siya kasama ng Tagapangasiwa ng Sirkito depende sa nakaiskedyul na kongregasyon.

Tagapangasiwa ng Sirkito

Isang makaranasang lalaki na dumadalaw sa bawat kongregasyon upang pangasiwaan at pangunahan ang gawain at ito'y iniuulat niya sa sangay. Tumutulong siya sa Tagapangasiwa ng Distrito upang pangangasiwaan ang mga asamblea na ginaganap taon-taon sa kaniyang nasasakupan. May 183 sirkito sa Pilipinas. Karaniwan ng mayroong katamtamang 20 kongregasyon ang kaniyang pinangangasiwaan. Dumadalaw siya 2 beses bawat taon sa bawat kongregasyon.

Lupon ng Matatanda

Binubuo ng makaranasang mga lalaki na tinatawag ding tagapangasiwa (Overseer) o matanda (Elder) (minsan ay iisang lalaki lamang lalo na sa liblib na mga lugar) upang pangunahan at pangasiwaan ang gawain ng Kongregasyon. Ang Lupon ay binubuo ng koordineytor (Coordinator), kalihim (Secretary), Tagapangasiwa sa Paglilingkod (Service Overseer) na bumubuo sa Lupon sa Paglilingkod (Service Committee) at iba pang Matatanda.

Ministeryal na Lingkod

Sila ay mga katamtaman hanggang sa makaranasang mga lalaki na tumutulong sa mga matatanda lalo na sa ministeryal na mga gawain tulad ng pangangasiwa sa teritoryo (bawat kongregasyon ay may nakaatas na ilang partikular na lugar upang pangaralan), paghahanda ng sound system, paglilinis, pagiging isang attendant, pagiging magazine at literature servant at pag-iimbita ng mga tagapagsalita sa pahayag pangmadla bawat linggo mula sa ibat-ibang kongregasyon.

Special Pioneer

Mga lalaki't babae, karamihan ay mga mag-asawa na inatasan ng sangay sa isang partikular na kongregasyon upang tumulong sa pangangaral o sa isang liblib na lugar upang bumuo ng kongregasyon. Gumugugol ng katamtamang 120 oras bawat buwan sa pangangaral.

Regular Pioneer

Mga lalaki't babae, karaniwan nang mga binata't dalaga na nakaugnay sa bawat kongregasyon upang tumulong sa pagpapasigla ng pangangaral. Tinatawag ding mga "buong-panahong lingkod," at gumugugol ng katamtamang 70 oras bawat buwan sa pangangaral. Ang pribilehiyong ito ay bukas sa lahat ng mga mamamahayag (publisher). Inaaprubahan ito ng sangay mula sa rekomendasyon ng Lupon ng Matatanda sa kongregasyon.

Auxilliary Pioneer

Mga lalaki't babae, karamihan ay mga kabataan na nakaugnay sa bawat kongregasyon na gumugugol ng katamtamang 50 oras sa isang buwan. Karaniwan silang nag-o-auxilliary pioneer tuwing bakasyon. Inaaprubahan ito ng Lupon ng Matatanda.

Mahahalagang Okasyon

Memoryal ng Kamatayan ni JesusKung ang Sangkakristiyanuhan (Christendom) ay nagdaraos ng napakaraming mga pagdiriwang, ang mga Saksi ni Jehova ay mayroon lamang iisa at natatanging okasyon. Ito ay ipinagdiriwang nila minsan sa isang taon at itinuturing nilang pinakabanal na selebrasyon, ang pag-alaala sa kamatayan ni Jesus o Memoryal (Hapunan ng Panginoon). Ito ang katunayan ng kanilang pagtanggap at pananampalataya sa haing-pantubos ni Jesus. Para sa kanila ito lamang ang nag-iisang bagay na iniutos sa tunay na mga Kristiyano upang ipagdiwang sapagkat tuwiran itong tinuran ni Jesus: "Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin" -Lucas 22:19.

Espesyal na Pahayag

Karaniwang binibigkas ito isang Linggo pagkatapos ng Memoryal at sabay-sabay na ipinapahayag ang iisang tema o paksa sa buong daigdig.

Internasyonal na Kombensiyon

Ginaganap taun-taon ngunit sa piling mga bansa lamang o depende sa nakaiskedyul. Sa Pilipinas, ang huling internasyonal na kombensiyon ay ginanap sa Metro Manila noong 1993. Limang stadium ang sabay-sabay na ginamit, kabilang na ang Rizal Stadium at ang dating Rodriguez Sports Center sa Marikina. Ang mga delegado ay nagmumula sa ibat-ibang panig ng mundo at nagpapakitang ang mga Saksi ay tunay na nagkakaisa anuman ang lahi, bansa, wika o kulay.

Pandistritong Kombensiyon

Idinaraos minsan isang taon sa loob ng tatlong araw -mula Biyernes hanggang Linggo- sa buong bansa. Ito'y kinabibilangan nang mga Saksi mula sa tatlo o dalawang Sirkito, depende sa bilang. Karaniwan nang umuupa sila ng mga istadyum, sports complex at awditoryum upang pagdausan. Sa ilang lugar, nakapagpatayo na sila ng kanilang sariling mga Assembly Hall.

Pansirkitong Asamblea

Pinangungunahan ng Tagapangasiwa ng Distrito kasama ang Tangapangasiwa ng Sirkito, ito ay ginaganap minsan sa isang taon bilang dalawang araw na piging, Sabado at Linggo. Ang mga delegado ay mula sa isang Sirkito mula sa katamtamang 20 Kongregasyon.

Araw ng Pantanging Asamblea

Ang Tagapangasiwa ng Sirkito ang nangunguna sa pagtitipong ito minsan sa isang taon at tinatawag ding "Araw ng Pantanging Asamblea" dahil ito'y sa araw ng Linggo lamang. Tulad ng Pansirkitong Asamblea, ang mga delegado ay mula rin sa isang Sirkito na kinabibilangan ng 20 Kongregasyon.

Mga Pagpupulong

Tinatawag nilang Kingdom Hall ang kanilang bahay sambahan. Dito sila nagtitipon upang sumamba, tumatanggap ng mga paalaala, tagubilin, pagsasanay, pag-aaral at nagpapatibayan sa isat-isa. Ang bawat pulong ay pinasisimulan ng isang awit at panalangin. Sa kanilang pag-awit sila ay gumagamit ng Aklat Awitan bilang giya at sumasabay sa himig ng isang awiting pangkaharian. Ang lahat ng mga pagpupulong ay bukas para sa lahat at walang koleksiyon o pangingilak ng pera. Ang bawat isa ay malayang maghulog ng kaniyang bukal-sa-loob na donasyon at walang takdang halaga sa mga donation box na matatagpuan sa likurang bahagi ng bulwagan.

Hinati nila sa tatlong eskedyul ang kanilang mga pagpupulong: Pahayag Pangmadla at susundan kaagad ng Pag-aaral sa Ang Bantayan, karaniwan nang sa araw ng Linggo (sa ibang lugar ay Sabado, depende sa kung ilang kongregasyon ang gumagamit ng bulwagan o Kingdom Hall); Paaralang Teokratiko sa Ministeryo at susundan kaagad ng Pulong Ukol sa Paglilingkod, karaniwan nang sa gabi alinman sa araw ng Martes, Miyerkules, Huwebes o Biyernes, depende sa kung ilang kongregasyon ang gumagamit ng bulwagan (tinatawag ding Mid-week Meeting) at Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon, karaniwan nang sa gabi alinman sa araw ng Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes o Sabado.

Ang pagtuturo sa kongregasyon, lalo na ang pagpapahayag sa pulpito ay pribilehiyo lamang na ipinagkaloob ng Kasulatan sa mga kalalakihan. Karaniwan nang bahagi ng mga babae ang mga pagtatanghal sa stage. Maliban lamang sa iilang kaso sa liblib na mga lugar na kung saan walang kuwalipikadong lalaki, ang mga babae ang nangunguna sa mga pulong ngunit hindi tumatayo sa pulpito, nakaupo lamang sa isang upuan at mesa at kinakailangang maglagay siya ng lambong (karaniwang panyo) sa ulo bilang tanda ng pagpapasakop sa pagkaulo ng lalaki.

Pahayag Pangmadla

Ibat-ibang paksa bawat Linggo na binibigkas sa loob ng 45 minuto ng isang inanyayahang Matanda o Ministeryal na Lingkod mula sa ibat-ibang kongregasyon. Tumatalakay sa mga doktrinal na paksa, pang-organisasyon, pangkongregasyon at iba pa.

Pag-aaral sa Ang Bantayan

Tanong-sagutan na pag-aaral sa magasing Ang Bantayan. Tumatalakay sa mga paksang pangkaharian, saloobin, pag-uugali, pangmalas at marami pang iba. Dito rin karaniwang nalalaman ng mga Saksi ang kanilang bagong pagkaunawa, kung mayroon man, sa doktrinal na mga isyu at organisasyonal na kaayusan sa buong daigdig.

Paaralang Teokratiko sa Ministeryo

Sa loob ng 30 minuto, sinasanay at tinuturuan ng isang Tagapangasiwa sa Paaralan kasama ang kaniyang Katulong na Tagapayo, ang mga mamamahayag kung paano bumasa, makibagay at makipag-usap ng mahusay sa mga tao gamit ang isang aklat bilang giya.

Pulong Ukol sa Paglilingkod

Gamit ang isang buwanang giya (Ang Ating Ministeryo sa Kaharian) pinag-uusapan at tinatalakay sa loob ng isang oras ang mga aspeto ng pangangaral na angkop sa bawat lugar. Dito nalalaman ng mga Saksi kung ano ang kanilang literaturang iaalok para sa isang partikular na buwan at lokal na mga pangangailangan ng bawat kongregasyon.

Pag-aaral ng Kongregasyon sa Biblia

Karaniwang tinatawag na CBS (mula sa Ingles na Congregation Bible Study), isang tanong-sagutan na pag-aaral sa isang aklat sa loob ng 25 minutos at pinangungunahan ng isang Matanda (CBS Overseer) kasama ng isang Matanda din o kaya'y Ministeryal na Lingkod (Assistant).

Pulong Bago Maglingkod

Bagaman hindi kasama sa naunang 5 pangunahing mga pagpupulong, ito ay pinahahalagahan din nila. Tinatalakay at pinag-uusapan nila sa loob ng 15 minuto kung aling teritoryo o lugar ang pangangaralan at kung ano ang kanilang gagamitin na mabisang pambungad sa pakikipag-usap bago mangaral.

Mga sanggunian

Kawing Panlabas