Miss Universe

Taunang international beauty pageant

Ang Miss Universe ay isáng taunang pandaigdigang patimpalak ng kagandahan na pinamamahalaanan ng Miss Universe Organization.[1] Kasama ng Miss World, Miss International, at Miss Earth, ang Miss Universe ay isá sa apat na pinakamalaking patimpalak ng kagandahan sa mundo, na may tinatayang may mahigit 500 milyong manonood sa mahigit 190 teritoryo.[2] Ang Telemundo ay may karapatan sa paglilisensya upang ipalabas ang kompetisyon hanggang 2023, at ipinapalabas din ang kompetisyon sa NBC sa pamagitan ng Roku Channel, at Telemundo.[3]

Miss Universe
MottoBeautifully Confident
Pagkakabuo28 Hunyo 1952; 71 taon na'ng nakalipas (1952-06-28)
UriBeauty pageant
Punong tanggapanNew York City, New York
Kinaroroonan
Wikang opisyal
Wikang Ingles
Mahahalagang tao
  • Amy Emmerich (CEO)
Parent organization
JKN Global Group
KaugnayanJKN Metaverse Inc.
Badyet
$100 million (annually)
Websitemissuniverse.com

Kasalukuyang pagmamay-ari ng JKN Global Group ang Miss Universe Organization.[4][5] Ang adbokasiya ng patimpalak ay "mga suliraning pantao at isang boses na magdudulot ng positibong pagbabago sa daigdig". Ang kasalukuyang CEO ng organisasyon ay si Amy Emmerich.[6]

Ang kasalukuyang Miss Universe ay si Sheynnis Palacios ng Nikaragwa, na kinoronahan noong 18 Nobyembre 2023 sa El Salvador.[7][8]

Kasaysayan

Donald Trump, may-ari ng Miss Universe Organization mula 1996 hanggang 2014

Ang titulong "Miss Universe" ay unang ginamit sa International Pageant of Pulchritude noong 1926. Ginaganap taon-taon ang kompetisyong ito hanggang 1935 nang dumating ang Matinding Depresyon at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagamat nagsilbing modelo at inspirasyon ang patimpalak na ito sa kasalukuyang Miss Universe pageant, ang kasalukuyang pageant ay walang direktang kaugnayan sa naunang Miss Universe.[9][10]

Ang kasalukuyang Miss Universe pageant ay itinatag noong 1952 ng Pacific Knitting Mills, isang kumpanya ng damit na nakabase sa California na siyang tagagawa ng Catalina Swimwear. Isponsor ng Miss America pageant ang kumpanya hanggang 1951, noong tumangging mag-pose para sa publicity picture si Miss America 1951 Yolande Betbeze habang suot ang kanilang damit panlangoy.[11][12] Ginanap sa Long Beach, California ang kauna-unahang Miss Universe Pageant na may tatlumpung kalahok.[13] Ito ay napalanunan ni Armi Kuusela ng Pinlandiya, na binitawan ang kanyang titulo, bagama't hindi opisyal, upang magpakasal sa negosyanteng Pilipino na si Virgilio Hilario, ilang linggo bago matapos ang kanyang panunungkulan bilang Miss Universe.[14][15] Mula 1952 hanggang 1958, ang titulo ng Miss Universe ay nakapetsa sa taon pagkatapos ng paligsahan, kaya ang titulo ni Kuusela noon ay Miss Universe 1953. Kalaunan ay nakuha ng Kayser-Roth Corporation ang kompetisyon mula sa Pacfic Knitting Mills.[16]

Unang ipinalabas sa telebisyon ang pageant noong 1955. Noong 1960, sinimulang ipalabas sa CBS ang pinagsamang Miss USA at Miss Universe pageant, at noong 1965 bilang magkahiwalay na paligsahan. Kalaunan, binili ng Gulf+Western Industries ang Kayser-Roth noong 1975 na siyang naging may-ari ng Miss Universe hanggang 1991 noong binili ito ng Procter & Gamble.[16] Noong 24 Oktubre 1996, binili ng negosyanteng Amerikano na si Donald Trump ang Miss Universe mula sa ITT Corp. na siyang nagmamay-ari ng Miss Universe mula noong Mayo ng kaparehong taon.[17][18] Noong 1998, pinalitan ang pangalan ng Miss Universe Inc. sa Miss Universe Organization, at inilipat ang punong-tanggapan nito mula sa Los Angeles sa Lungsod ng New York. Nagpatuloy ang CBS sa pagsasahimpapawid ng mga kompetisyon hanggang 2002 noong pumasok si Trump sa isang joint venture kasama ang NBC, na siyang may karapatang isahimpapawid ang mga pageant sa ilalim ng Miss Universe Organization mula 2003 hanggang 2014.[19]

Anne Jakrajutatip, may-ari ng Miss Universe Organization mula 2022 hanggang sa kasalukuyan

Noong Hunyo 2015, kinansela ng NBC ang lahat ng mga pakikipagsosyo nito kay Trump at sa Miss Universe Organization kasunod ng mga kontrobersyal na pahayag ni Trump tungkol sa mga iligal na imigrante mula sa Mehiko na tumawid sa hangganan ng Estados Unidos.[20][21] Bilang bahagi ng legal na kasunduan, binili ni Trump ang 50% tulos ng NBC sa kumpanya noong Setyembre 2015. Pagkalipas ng tatlong araw, ibinenta niya ang buong kumpanya sa WME/IMG.[22][23] Kasunod ng pagbabago ng pagmamay-ari, ang Fox at Azteca ay inanunsyo bilang mga opisyal na tagahimpapawid ng Miss Universe at Miss USA.[24] Sa kasalukuyan, ang pangulo ng Miss Universe Organization ay si Paula Shugart, na hawak ang posisyong ito mula noong 1997. Noong Enero 2022, itinalaga si Amy Emmerich bilang CEO ng Miss Universe Organization.[6][25]

Noong 26 Oktubre 2022, nakuha ng JKN Global Group na pagmamay-ari ng negosyanteng si Anne Jakrajutatip ang Miss Universe Organization mula sa IMG sa halagang $14 milyon. Si Jakrajutatip ang babaeng transgender na nagmay-ari ng organisasyon, at ang unang beses na lumawak ang punong-tanggapan ng Miss Universe sa labas ng Estados Unidos.[26][27] Mula sa taong 2022, bumalik sa NBC ang karapatang isahimpapawid ang Miss Universe sa pamamagitan ng Roku Channel, isang streaming service sa Estados Unidos.[28][29] Naghain ng pagkabangkarote si Jakrajutatip noong Nobyembre 2023,[30] ngunit nagpatuloy pa rin ang pagdaos ng ika-72 edisyon ng kompetisyon sa El Salvador.[31] Noong 16 Nobyembre 2023, inanunsyo ni Paula Shugart ang kanyang pagbitiw bilang pangulo ng Miss Universe Organization, at ang kanyang posisyon ay hindi mapapalitan.[32][33][34]

Pagpili ng mga kalahok

Proseso ng pagili

Upang makalahok sa Miss Universe, kailangan ng isang bansa ng isang lokal na kumpanya o tao upang bilhin ang mga lokal na karapatan ng kompetisyon sa pamamagitan ng isang franchise fee. Kasama sa bayad ang mga karapatan ng imahe, tatak at lahat ng may kaugnayan sa Miss Universe. Kadalasan ay ibinabalik ng may-ari ng prangkisa ang prangkisa sa Miss Universe Organization, na muli ito ibebenta sa isang bagong stakeholder. Ang muling pagbebenta ng prangkisa mula sa isang may-ari patungo sa susunod ay karaniwang nagaganap sa kasaysayan ng pageant, kung minsan ay dahil sa mga paglabag sa kontrata o pinansyal na dahilan.[35] Kamakailan lang ay nagbago ang proseso ng aplikasyon para sa prangkisa ng Miss Universe kung saan ang proseso ng aplikasyon para sa prangkisa ay naganap sa pamamagitan ng pagbi-bid.[36][37]

Mga nagwagi kamakailan

Miss Universe sash mula 2001 hanggang 2022
TaonBansa/TeritoryoNagwagiPambansang tituloLokasyonBilang ng kandidata
2023 NikaragwaSheynnis PalaciosMiss Universe NicaraguaSan Salvador, El Salvador84
2022 Estados UnidosR'Bonney GabrielMiss USANew Orleans, Estados Unidos83
2021  IndiyaHarnaaz Sandhu[38]Miss DivaEilat, Israel80
2020  MehikoAndrea Meza[39]Mexicana UniversalHollywood, Estados Unidos74
2019  Timog AprikaZozibini TunziMiss South AfricaAtlanta, Estados Unidos90

Mga tala

Tingnan

Mga sanggunian

Panlabas na kawing